Talagang gusto ko nang huminto pero ayaw ni Nanay. Kung sa bagay, sino bang ina ang matutuwang magka-anak ng dropout? Talagang sawa na kong mag-aral. Kay ganda sanang isiping hindi ako nakatali sa sintas ng sapatos ng teacher ko na kasama nila sa bawat hakbang. Ipaling kung saang sulok gustong dalhin, ikaliwa kahit kanan ang gustong puntahan, ilakad-kaladkarin kahit gustong mamahinga at isipa kahit ako ang masaktan.
Ay buhay estudyante. Maka-uno lang, bakit lulunurin ang sariling dila. Kumontra ka sa kanila, singkong maliwanag. Tumango-tango ka naman para maka-uno, ibig sabihin noo'y sarili mo na ang kailangan lokohin. Pakisama lang talaga.